by Joanmarie C. Balolong-Garcia, MD

Ang usok ng sigarilyo ay naglalaman ng iba’t ibang kemikal. Ang ilan sa mga kemikal na ito ay nagdudulot ng addiction o pagkalulong sa bisyong ito. Natuklasan din na ang iba’t ibang kemikal sa usok ng sigarilyo ay carcinogenic o nagdudulot ng kanser sa tao.
Ang mga sumusunod ay halimbawa ng mga mapanganib na kemikal sa usok ng sigarilyo na may kaugnayan sa iba’t ibang uri ng kanser sa katawan:
- Polyaromatic hydrocarbons (PAH) at N-nitrosamine (NNK at NNN): Nagdudulot ng kanser sa baga at cervix
- NNK: Naiugnay din sa kanser sa ilong, lapay (pancreas) at atay
- NNN: Maaaring magdulot ng kanser sa daluyan ng hangin (respiratory tract) o daluyan ng pagkain (esophagus)
- 4-Aminobiphenyl at 2-naphthylamine: May kaugnayan sa pagkakaroon ng kanser sa pantog (urinary bladder)
- Benzene: Nagdudulot ng kanser sa dugo (leukemia)
- 1,3-Butadiene: Naiugnay sa iba’t ibang uri ng kanser sa katawan
Ang mga kemikal na maaaring magdulot ng kanser sa tao ay tinatawag na carcinogen. Ang mga carcinogen ay nakapagdudulot ng damage o mga pagbabago sa DNA na tinatawag na genetic mutations. Sa pagkakataong hindi naisaayos ang genetic mutationsna ito, dito nagsisimulang mabuo ang kanser.
Maaaring ang paghithit ng sigarilyo ay madali at mura lamang. Pero ang maidudulot nitong pinsala sa katawan ay ilang beses na higit pa sa apat na pisong presyo nito lalo na kung ang magiging katumbas ay ang buhay ng tao.
References:
- DeVita, Hellman, and Rosenberg’s Cancer Principles & Practice of Oncology 11th Edition
- https://www.nccn.org/professionals/physician_gls/pdf/smoking.pdf