By Dr. Mel Valerie B. Cruz-Ordinario
Ano ba ang White Blood Cells (WBC)?
Ang white blood cells ay tumutulong sa ating katawan para lumaban sa impeksyon. Nabubuo sila sa ating bone marrow at mayroon itong iba’t-ibang uri. Isang halimbawa nito ay ang Neutrophils na siyang lumalaban sa mga nakapipinsalang bacteria at fungi na nakapapasok sa ating katawan.
Ano ang mga posibleng dahilan ng pagbaba ng WBC count sa mga pasyenteng may cancer?
Sa pagkuha ng laboratory test na Complete Blood Count (CBC), nakikita kung mababa ang WBC count ng isang pasyente. Ito ay maaaring dulot ng:
- Side effect ng chemotherapy
- Cancer na may direct na epekto sa bone marrow gaya ng leukemia, lymphoma at multiple myeloma
- Cancer na kumalat sa buto
- Radiation therapy sa iba’t-ibang parte ng katawan lalo na sa balakang, binti, dibdib at tiyan.
Anu-ano ang mga nagpapataas ng risk na magkaroon ng mababang WBC count?
- Edad na 70 pataas
- Stress
- Malnutrisyon
- Kulang sa tulog
- Pagkakaroon ng ibang kundisyon na nagpapababa ng resistensya
Ano ang mga sintomas ng pagkakaroon ng mababang WBC count?
Ang mababang WBC count ay hindi laging may kaakibat na sintomas. Subalit, ang taong apektado nito ay maaaring maging at risk sa pagkakaroon ng impeksyon.
Ang mga sumusunod na sintomas ay maaaring senyales ng nagsisimula o kasalukuyang infection:
- Lagnat na may temperature na 380C pataas
- Chills
- Masakit na lalamunan
- Masakit na tenga
- Masakit na ulo
- Masakit na tyan
- Masakit na pag-ihi, malabong pag-ihi, o dugo sa pag-ihi
- Pagtatae
- Ubo o hirap sa paghinga
- Rashes
- Pamumula, pamamaga o pagsakit lalo na sa mga parte ng katawan na may sugat, operasyon o nalagyan ng catheter
- Kakaibang discharge o pangangati ng pwerta
Kung matuklasan na mababa ang inyong WBC count o kung kayo ay magkaroon ng kahit na anong sintomas ng impeksyon, ipagbigay-alam agad sa iyong doctor. Siguraduhing komunsulta bago uminom ng kahit anong gamot.
Ang mga sumusunod ay mga tanong na maaari mong i-discuss sa iyong doctor:
- Ako ba ay may mas mataas na risk ng impeksyon habang nag-gagamutan? Kailan ba ako may pinakamataas na risk na magkaimpeksyon?
- Ano ang mga steps para makaiwas sa mga impeksyon?
- Anu-anong senyales ng impeksyon ang kailangan kong bantayan?
- Anong mga senyales o sintomas ang nangangailangan ng agarang pagpunta sa emergency room?
Ugaliin din ang pagsunod sa minimum health protocols gaya ng proper hygiene, palaging paghugas ng kamay, pag-iwas sa mga may nakahahawang sakit at pagiging updated sa mga bakuna para mapababa ang iyong risk na magkaroon ng impeksyon.
Reference:
Cancer.net
Cancer.gov