By Dr. Herdee Gloriane C. Luna
Ano ba ang diarrhea o pagtatae?
Ang pagtatae ay ang pagkakaroon ng madalas, mabasa, o matubig na pagdumi.
Ano ang maaaring komplikasyon ng pagtatae?
Ang matinding pagtatae ay maaaring mauwi sa dehydration at electrolyte imbalances dahil sa labis na kawalan ng tubig at mahahalagang mineral sa katawan. Maaari itong magdulot ng hilo, sakit ng ulo, pagkahina, komplikasyon sa bato, at iba pa.
Kung ikaw ay makaranas ng pagtatae sa panahon ng paggamot sa kanser, tanungin ang iyong doktor kung paano ito matutugunan.
Ano ba ang maaaring sanhi ng pagtatae sa panahon ng paggamot sa kanser?
- Side effect ng mga paggamot sa kanser, tulad ng:
- Chemotherapy
- Immunotherapy
- Targeted therapy
- Radiation therapy sa may balakang
- Surgery, tulad ng pagtanggal ng isang bahagi ng bituka
- Graft-versus-host disease (isang side effect ng bone marrow/stem cell transplantation)
- Sintomas ng kanser mismo, tulad ng:
- Pancreatic cancer
- Colon / Rectal cancer
- Neuroendocrine tumor sa bituka
- Ibang kondisyon at gamot na walang kaugnayan sa kanser, tulad ng:
- Irritable bowel disease
- Viral infection
- Bacterial infection tulad ngClostridium difficile o iba pang bacteria
- Mga antibiotic na gamot
Paano maiiwasan o magagamot ang pagtatae?
May mga hakbang para maiwasan o maagapan ang pagtatae bago pa ito magdulot ng komplikasyon.
Magtanong sa iyong doktor kung ano ang gamot na angkop sa iyong sitwasyon. Para sa mga sumasailalim sa chemotherapy, halimbawa ng gamot na pang-iwas o panglunas sa pagtatae ay ang loperamide (Imodium), at diphenoxylate + atropine (Lomotil).
Para sa pagtatae na dulot ng problema sa pancreas o lapay, tulad ng nangyayari sa ilang pasyenteng may pancreatic cancer, maaaring irekomenda ng doktor ang pag-inom ng pancreatic enzymes. Gumagana ito sa pamamagitan ng pagtulong sa pagtunaw ng pagkain.
Kung ang pagtatae ay hindi malubha, sundan ang sumusunod na tips:
- Iwasan ang caffeine, alcohol, dairy, fat, fiber, orange juice, prune juice, at maaanghang na pagkain.
- Iwasan ang mga gamot tulad ng laxatives, stool softeners, at metoclopramide (Reglan). Minsan, ang mga doktor ay nagrereseta ng metoclopramide bilang pang-iwas sa pagduduwal at pagsusuka mula sa chemotherapy.
- Kumain nang madalas ngunit paunti-unti.
- Pumili ng mga pagkaing madaling matunaw tulad ng kanin, saging, mansanas, at tinapay.
- Kung ang pagtatae ay dulot ng chemotherapy, maaaring irekomenda ng doktor ang low-residue diet, kung saan may listahan ng mga pagkaing iiwasan kabilang na ang mga may mataas na fiber content.
- Dalasan ang pag-inom ng tubig at iba pang clear liquids para maiwasan ang dehydration.
Kung ang pagtatae ay malubha, o banayad ngunit hindi bumubuti, kumunsulta sa iyong doktor para malaman ang tamang susunod na hakbang. Ilang posibleng hakbang ay ang:
- Pagpalit ng gamot sa pagtatae.
- Pagkabit ng swero para maiwasan o malunasan ang dehydration.
- Pagsuri ng antas ng electrolytes sa katawan.
- Pagsuri para sa posibleng impeksyon.
- Pagbago ng iskedyul o dose ng chemotherapy.
Para sa karagadang impormasyon o ibang katanungan, kumunsulta sa iyong medical oncologist o cancer specialist. Handa kaming tumulong sa iyo.
References: Cancer.net