By Sachiko Estreller
Sa panahon ngayon, parami na nang parami ang mga naituturing na CANCER SURVIVOR dahil sa mga bagong pagaaral tungkol sa cancer at sa epektibong gamutan nito.
Ngunit sinu-sino nga ba ang mga maituturing na CANCER SURVIVOR?
Itinuturing na cancer survivor ang lahat ng taong may kasalukuyang cancer at ang mga taong dating may cancer. Ang pagiging survivor ay nagsisimula sa oras ng diagnosis hanggang sa nabubuhay ang isang pasyenteng may cancer.
Maliban sa gamutan ng cancer, importante sa lahat ng cancer survivor ang SURVIVORSHIP CARE—bilang parte ng pangkalahatang pangangalaga sa mga pasyenteng may cancer. Kasama sa survivorship care ang mga pangangailangan ng cancer survivors sa aspetong physical, mental, professional, financial, at iba pa.
Isa sa pinakamahalagang aspeto ng survivorship care ay ang pananatili ng HEALTHY LIVING. Ang pananatili ng healthy habits ay hindi biro. Ang isang cancer survivor na pinapanatilihan ang healthy living ay may mas magandang response sa cancer treatment, mas mababang risk ng pagkakaroon ng naulit or panibagong cancer, at mas magangang kalidad ng buhay.
Ayon sa National Comprehensive Cancer Network o NCCN Guidelines, ang GOALS OF HEALTHY LIVING ay ang mga sumusunod:
- Maging aktibo
- Kumain nang tama
- Iwasan ang paginom ng alak
- Panatilihin ang health body weight
- Huwag manigarilyo
- Protektahan ang sarili mula sa labis na sun exposure
- Matulog nang sapat
- Magpacheck-up nang regular
- Sumunod sa health guidelines
MAGING AKTIBO!
Maglaan ng at least 150 minutes o 2 ½ hours ng moderate intensity physical activity kada linggo. Ang mga halimbawa ng moderate intensity activity ay: ballroom dancing, volleyball, biking, at brisk walking.
Maari ring piliin na makamit ang 75 minutes kada linggo na vigorous intensity physical activity. Ang mga halimbawa nito ay: hiking, jogging o running, martial arts, boxing, at swimming.
!TANDAAN! Kumonsulta sa iyong doctor kung angkop ang physical activity na pipiliin para sa kasalukuyang kondisyon ng iyong katawan.
KUMAIN NANG TAMA!
Ang isang healthy diet ay sagana sa plant sources. Kaya naman mas piliin ang PLANT-BASED FOODS. Malaking bahagi ng diet ng isang cancer survivor ay nakalaan para sa mga gulay, prutas, beans, whole grains, soy (tokwa), nuts and seeds.
Ang dapat naman iwasan o limitahan ay ang pagkain ng red meat tulad ng beef at pork. Dapat din limitahan ang mga processed foods lalong-lalo na ang mga mataas sa fats at sugars. Iwasan ang mga junk food tulad ng candy, chips, cookies at fried foods. Iwasan rin ang mga processed meats tulad ng ham, hotdog at bacon.
Isang magandang gabay sa pang-araw-araw na pagkain ay ang PINGGANG PINOY. Ito ay isang litratong gabay na ginawa ng DOH, kung saan ang kalahati ng pinggan ay naglalaman ng prutas at gulay at ang natitirang kalahati ay nakalaan para sa grains at protina.
!TANDAAN! Kumonsulta sa iyong doctor kung may mga food o nutrition supplement nais subukan. May mga supplement na maaaring maka-apekto sa iyong cancer treatment kaya nararapat itong malaman ng iyong doctor.
IWASAN ANG PAG-INOM NG ALAK
Lahat ng cancer survivor ay dapat tumigil sa paginom ng alak. Maaari itong makaapekto sa cancer treatment at maaari rin itong maging sanhi ng pagkakaroon ng panibagong cancer.
PANATILIHIN ANG HEALTHY BODY WEIGHT
Maraming cancer survivor ang nahihirapan na makamit ang kanilang IDEAL BODY WEIGHT. May ibang survivors na overweight samantalang ang iba ay underweight. Ang Body Mass Index o BMI ay isang simpleng gabay para ma-imonitor ang iyong angkop na timbang. Magandang panatilhin ang BMI mula 18.5 hanggang 24.9 para sa healthy body weight.
!TANDAAN! Ang healthy body weight ay maaring makamit sa pamamagitan ng tamang diet and exercise.
HUWAG MANIGARILYO
Lahat ng cancer survivor ay hinihikayat na TUMIGIL sa paninigarilyo. Hindi sapat na bawasan lamang ang bilang ng sigarilyong nagagamit sa isang araw. Kinakailangan na tumigil nang tuluyan sa paninigarilyo ang lahat ng cancer survivor dahil ang pagpapatuloy nito ay maaaring makaaapekto sa cancer treatment o ‘di kaya ay magsanhi ng panibagong cancer o pagulit ng cancer.
!TANDAAN! Kung nahihirapan tumigil sa paninigarilyo, humingi ng tulong sa iyong doktor upang mapagusapan ang Smoking Cessation plan na isasagawa para sa iyo.
PROTEKTAHAN ANG SARILI MULA SA SUN EXPOSURE
Gumamit ng proteksyon mula sa sun exposure tulad ng sun screen, sombrero, o payong. Mayroon posibilidad na magkaroon ng cancer (ng balat) kung labis ang exposure sa matinding sinag ng araw.
MATULOG NANG SAPAT
Ang tulog ay dapat tumatagal ng 7-9 hours kada araw para masabing sapat. Ito ang paraan kung paano nagrerecover ang katawan ng mga cancer survivor mula sa pagod ng gamutan at ng pangaraw-araw na gawain.
!TANDAAN! Kung labis ang hirap sa pagtulog, ikonsulta ito sa iyong cancer doctor. Maaring magrekomenda ng mga hakbang upang mapaganda ang “sleep hygiene” o kaya ay magreseta ng gamot upang matulungang gumanda ang tulog ng isang pasyente.
MAGPACHECK-UP NANG REGULAR AT SUMUNOD SA HEALTH GUIDELINES
Hinihikayat ang lahat ng cancer survivor na patuloy na magpacheck-up sa kanilang mga oncologist. Iba’t-iba ang schedule ng check-up at mga isinasagawang laboratoryo para sa monitoring, depende sa uri ng cancer ng isang pasyente. Kaya naman nararapat na kumonsulta ng regular kahit matapos na ang gamutang para sa cancer. Ang patuloy na monitoring ay makakatulong sa maagang detection kung sakaling maulit man ang cancer o ‘di kaya ay magkaroon ng panibagong cancer ang mga cancer survivor.
Maliban sa monitoring, importante ring mapanatili ang pangkalahatang kalusugan sa pamamagitan ng pagsunod sa health guidelines ukol sa ibang sakit maliban sa cancer. Sa bawat regular check-up ng isang cancer survivor, nararapat na alamin at isagawa ang mga preventive/wellness measures laban sa ibang sakit. Ang mga halimbawa nito ay ang pagpapabakuna para sa disease prevention, pagpapatest o screen ng ibang sakit para sa early detection, at pagpapanatili ng gamot para sa ibang sakit ng isang cancer survivor gaya ng hypertension o diabetes.
!TANDAAN! Iba-iba ang rekomendasyon ukol sa monitoring, pagpapabakuna, pagpapatest at gamutan na angkop sa bawat cancer survivor. Kumonsulta sa iyong oncologist upang magabayan tungkol dito.