Herdee Gloriane C. Luna, MD

Ang cancer staging ay naglalarawan kung saan matatagpuan at saang mga istruktura o organ sumakop o kumalat ang kanser. Kadalasan, gumagamit ng mga imaging test (tulad ng CT scan) para matukoy ang stage ng kanser. Gagabayan ng doktor ang pagsasagawa ng mga diagnostic test na naaangkop sa bawat uri ng kanser.
Mahalaga ang cancer staging para mapagplanuhan ang uri at kombinasyon ng mga gamutan na kakailanganin tulad ng operasyon, chemotherapy at radiation therapy at mapataas ang tsansa ng survival ng pasyenteng may kanser. Ang cancer staging ay nakakapagbigay ng impormasyon tungkol sa:
- Tsansa ng pagbalik ng kanser o recurrence/relapse pagkatapos ng gamutan
- Tsansa ng paggaling o remission
- Probabilidad ng pagiging mabisa ng mga gamutan
Kabilang sa bumubuo ng cancer staging ang mga sumusunod:
- Tumor: Sukat at lokasyon ng tumor, at kung ito ay kumalat na sa mga katabing istruktura o organ
- Node: Bilang at lokasyon ng mga kulani na apektado ng kanser
- Metastasis: Pagkalat ng kanser sa ibang bahagi ng katawan
May mga ilan pang katangian ng tumor na mahalaga rin bukod sa cancer staging tulad ng:
- Tumor grade: Paglalarawan kung gaano kalapit ang itsura ng mga cancer cell kumpara sa mga normal cell kapag tinignan sa ilalim ng microscope
- Tumor markers: Maaaring gamitin para masubaybayan ang treatment response ng kanser
- Tumor genetics: Pagtukoy sa mga cancer gene na nagsisilbing trigger sa pagsisimula o paglala ng kanser
Tandaan na kapag natuklasan ang kanser sa mas maagang stage, tumataas ang tsansa ng paggaling kapag naagapan ito ng kumpletong paggamot.
Reference: https://www.cancer.net/navigating-cancer-care/diagnosing-cancer/stages-cancer