Alam niyo ba na 12 babae sa Pilipinas ang namamatay kada araw dahil sa Cervical Cancer? Ang buwan ng Mayo ay tinaguriang Cervical Cancer Awareness Month. Alalahanin natin na ang kanser sa cervix ay pangatlo sa karaniwan ng kanser ng kababaihan sa Pilipinas at isa sa mga pangunahing kanser na sanhi ng pagkamatay ng mga babae. Marami tayong maririnig o mababasang impormasyon tungkol sa cervical cancer na maaring galing sa ibang tao, sa internet, Tiktok o Youtube. Alin dito ang totoo at alin ang “myth” or fake news lamang? Tayo ay mag FACT CHECK!
FAKE NEWS #1: Kailangan magpagawa ng Pap smear bawat taon
Kapag ang un among Pap test and HPV test ay normal or negative, hindi na kinakailangan magpa-test bawat taon. Ang pap test ay maaring gawin ayon sa sumusunod:
- 21-29 years old – Pap test bawat 3 na taon
- 30-64 years old – Pap test at HPV test bawat 5 na taon
- 65 years old pataas – Maaring hindi na magpasuri kapag normal ang mga dating tests
FAKE NEWS #2: Kapag positive ka sa HPV test, sure na magkakaroon ka ng cervical cancer
Madaming “types” or klase ng HPV at hindi lahat ay nagiging sanhi ng cervical cancer. May iilang “high-risk” types na nagdudulot ng cancer, ngunit may mga “low-risk” type ng HPV na madaling maalis ng immune system sa katawan.
FAKE NEWS #3: Ang cervical cancer ay nangyayari lamang sa mga nakakatanda or mga ‘elderly’
Maaring maapektuhan ng cervical cancer ang mga babae kahit na mas nakababata. Mas madalas ay ito ay natutuklasan sa pagitan ng 35 hanggang 44 na anyos.
FAKE NEWS #4: Palaging may sintomas ang cervical cancer
Kadalasan, maaring walang sintomas kapag ang cervical cancer ay nasa maagang stage, or kapag ang bukol ay maliit palang at hindi pa kumakalat. Ito ang dahilan kung bakit importante ang maagang pagsusuri or ang ‘early cervical screening’. Wag nating hintayin na magkaroon ng sintomas bago magpasuri.
FAKE NEWS #5: Tanging mga babaeng nakapagtalik sa maraming partners ang maaring magkaroon ng HPV infection o cervical cancer
Ang HPV ay karaniwang napapasa sa pamamagitan ng pagtatalik. Ngunit hindi lang mga babaeng nakapagtalik sa maraming partners ang may posibilidad magkaroon ng sakit na dulot ng HPV. Ang HPV ay maaring makuha din sa isang tao kahit na iisa lang ang kanyang partner at nagkataon ay may HPV infection. Importanteng magpasuri parin para sa HPV ang babae kahit na hindi madalas ang pagtatalik.
FAKE NEWS #6: Nakakahawa ang cervical cancer
Ang kanser ay hindi nakakahawa, ngunit ang HPV infection ay maaring maipasa sa ibang tao sa pamamagitan ng “skin-to-skin” contact o pagtatalik.
FAKE NEWS #7: Ang cervical cancer ay hindi pwedeng maiwasan.
Good news! Ang totoo ay hindi mahirap maiwasan ang cervical cancer at may mga pwedeng gawin upang madagdagan ang iyong proteksyon laban dito. Isa na dito ang pagtanggap ng HPV (Human Papillomavirus) vaccine, na maaring makatulong sa pagiwas ng mga high-risk HPV strains. Ang HPV vaccine ay maaring ibigay sa edad na 11 or 12 anyos hanggang 26. Maari din makagamit nito ang mga edad 27-45 na anyos.