by Rich Ericson C. King, MD

Ayon sa mga pag-aaral, 5% ng mga kaso ng kanser sa buong mundo ay dulot ng pag-inom ng alak. Dagdag pa rito, 1 sa bawat 5 kaso ng pagkamatay dahil sa kanser ay maiuugnay rin dito.
Ang pag-inom ng alak ay maaaring makapagpataas ng panganib ng pagkakaroon ng kanser sa:
- Oral cavity (mouth)
- Pharynx (throat)
- Larynx (voice box)
- Esophagus
- Liver
- Breast
- Colon/rectum
Paano nagdudulot ng kanser ang alak?
- Ang lahat ng uri ng alak ay naglalaman ng ethanol, isang kemikal na matapos maproseso ng ating katawan ay nagiging acetaldehyde. Ang acetaldehyde ay kilala bilang isang carcinogen o cancer-causing substance na sumisira sa DNA at iba’t ibang protina ng ating katawan.
- Ang alak ay maituturing bilang isang irritant substance na nakapagdudulot ng mga gasgas lalo na sa bibig at lalamunan. Ang paulit-ulit na pagkakagasgas na ito ay maaring maging simula ng kanser. Nagsisilbing daanan din ang mga gasgas na ito para sa mga masasamang kemikal na nakukuha mula sa paninigarilyo.
- Ang labis na pag-inom ng alak ay nakapagdudulot ng liver cirrhosis kung saan nasisira ang atay dahil sa tuloy-tuloy na pamamaga at pagkakaroon ng mga peklat. Ang liver cirrhosis ay maaaring pagmulan ng liver cancer.
- Ang alak ay nakapagpapataas ng lebel ng estrogen sa katawan. Mahalaga ang estrogen sa normal na pagbuo ng suso sa mga kababaihan, pero ang sobrang estrogen ay maaari ring makaambag sa pagkakaroon ng breast cancer.
- Apektado ng alak ang pagpasok ng mga mahahalagang sustansya tulad ng folate sa ating katawan. Ang mababang lebel ng folate ay isa sa mga posibleng risk factor sa pagkakaroon ng breast, colon at rectal cancer.
- Nakakadagdag sa timbang ang labis na pag-inom ng alak. Ang pagiging overweight o obese ay kilalang risk factor para sa iba’t ibang uri ng kanser.
Ano ang payo ng mga eksperto tungkol sa pag-inom ng alak?
Kung sakaling iinom ng alak, huwag lalagpas sa 1 drink kada araw para sa mga kababaihan, at huwag lalagpas sa 2 drinks kada araw para sa mga kalalakihan.
Ang katumbas ng 1 drink depende sa uri ng alcoholic drink ay:
- Beer: 330 mL (1 can o 1 small bottle)
- Wine: 140 mL
- Hard liquor: 40 mL (1 shot glass)
Iwasan ang binge drinking. Ang labis na pag-inom ng alak ay nakapagpapataas pa rin sa panganib ng pagkakakanser kahit na madalang lang ang pag-inom. Iwasan din ang paninigarilyo. Ang kombinasyon ng alak at sigarilyo ay mas lalo pang nagpapataas sa panganib ng pagkakaroon ng kanser.
Sa huli, pinakamabuti pa ring huwag na lang uminom ng alak. Kahit ang light drinking na pasok sa pang araw-araw na limit ay mayroon pa ring panganib para sa ilang uri ng kanser kahit na mas mababa ito.