by Ann Meredith Garcia Trinidad, MD
Bakit mahalaga ang tamang nutrisyon habang nagpapagamot ng kanser?
Ang chemotherapy at iba pang mga paraan ng paggamot sa kanser tulad ng radiation therapy ay maaaring makaapekto sa panglasa at ganang kumain, pero napakahalagang mapanatili ang pagkain nang maayos habang nagpapagamot. Ang tamang nutrisyon ay nakakatulong para palakasin ang katawan ng mga pasyente nang sa gayon ay mas kayanin at matapos nila ang gamutan at maging mas mabuti ang kalalabasan nito. Hindi dapat lubos na mag-alala dahil ang mga pagbabagong ito ay kadalasang panandalian lamang at bumubuti rin sa paglipas ng panahon.
Ano ang nilalaman ng isang healthy eating plate?
- Lagyan ang ½ ng plato ng iba’t ibang uri ng mga gulay at prutas.
- Lagyan ang ¼ ng plato ng whole grains tulad ng wheat bread, brown rice at oats. Maaaring kumain ng white rice at iba pang refined carbohydrates pero bantayan ang dami nito.
- Lagyan ang ¼ ng plato ng lean protein tulad ng isda, manok, beans at nuts. Maaaring kumain ng red meat pero limitahan lamang ito. Umiwas sa mga processed meat tulad ng hotdog, ham at bacon.
- Gumamit ng healthy oils tulad ng olive oil at canola oil kung meron kayo nito. Limitahan ang pagkonsumo ng butter at iba pang unhealthy fats.
- Uminom ng maraming tubig. Umiwas sa mga masyadong matamis na inumin.
Tips para mapanatili ang sapat na calorie intake
- Kung matabang o iba ang panglasa, sumubok ng iba’t ibang sawsawan, marinades, seasonings at iba pang ingredients.
- Pumili ng ingredients na iba’t ibang kulay at texture para maging mas katakam-takam tignan ang pagkain.
- Pumili ng mga pagkain mula sa lahat ng mga food group at siguraduhing may kasamang pagkain na high-protein ang bawat meal.
- Kung walang ganang kumain, maaaring kumain nang mas kaunti pero mas madalas na high-calorie meals kaysa piliting ubusin ang malalaking servings ng pagkain.
- Kung hindi kayang kumain ng solid food, maaaring uminom ng gatas, shake, smoothie, juice o sopas.
Mga pagkaing dapat iwasan habang sumasailalim sa chemo
- Hilaw o undercooked na karne
- Hilaw na isda
- Undercooked na itlog
- Unpasteurized na gatas at dairy products
- Hindi nahugasang mabuti na mga prutas at gulay
- Spices, maaasim na pagkain at masyadong mainit na pagkain o inumin kapag may mga singaw o masakit ang lalamunan
References:
- American Society of Clinical Oncology
- Harvard Medical School
- Mayo Clinic