by Mary Antonette G. Ong, MD and Jestoni V. Aranilla, MD
Ang targeted therapy ay isang makabagong uri ng gamot sa kanser kung saan nalilimita ang pag-atake sa mga cancer cell lamang at hindi direktang naaapektuhan ang mga normal cell sa katawan. Napapatay nito ang kanser sa pamamagitan ng pagpigil sa paggawa ng mga protina na kinakailangan ng mga cancer cell para mabuhay. Ang targeted therapy ay tinatawag ding “precision medicine” dahil may mga espesyal na test na ipinapagawa para malaman kung ang kanser ng isang pasyente ay angkop gamitan ng mga gamot na ito. Ang ilan sa mga madalas na ipinapagawang test ay ang HER2 testing para sa breast cancer, EGFR testing para sa lung cancer at KRAS testing para sa colorectal cancer. Ang mga halimbawa naman ng targeted therapy ay ang trastuzumab para sa breast cancer, osimertinib para sa lung cancer at rituximab para sa lymphoma. Marami nang mga pagsasaliksik ang nagpakita kung gaano kaepektibo ang targeted therapy sa iba’t ibang uri ng kanser.
Anu-ano ang mga benepisyo ng targeted therapy?
- Nakatutok ang aksyon nito sa mga cancer cell sa halip na sa mga normal cell ng katawan.
- Mas kaunti ang mga side effect nito kumpara sa pangkaraniwang chemotherapy.
- Ito ay may iba’t ibang mekanismo tulad ng pagkontra sa mga signal na nagpaparami sa mga cancer cell at pagpigil sa pagtubo ng mga panibagong blood vessel na bumubuhay sa mga tumor.
Pano ito ibinibigay?
- Intravenous (IV) o pinapadaan sa ugat sa pamamagitan ng swero, tulad ng IV trastuzumab at IV rituximab
- Injection o itinuturok sa ilalim ng balat, tulad ng subcutaneous trastuzumab at subcutaneous rituximab
- Oral o nasa anyong tableta o kapsula, tulad ng osimertinib at imatinib
Anu-ano ang mga karaniwang side effect nito?
- Ang pinakakaraniwang side effect ng targeted therapy ay pagtatae, pero ito ay kadalasang banayad lamang.
- Depende sa uri ng gamot, ito ay maaaring magdulot ng pagkahapo, singaw sa bibig, rashes, pagtaas ng blood pressure o iba pang mga side effect na kadalasan ay banayad lamang.
- May mga gamot din na maaaring makapagpataas ng mga liver enzyme.
Kung may mga katanungan tungkol sa targeted therapy, kumonsulta sa isang medical oncologist para malaman kung mayroong targeted therapy na nararapat para sa inyong pasyenteng may kanser.
References: