By Dr. Jessa Gilda Pandy
Para sa mga pasyente na sumasailalim sa chemotherapy, ang pagduduwal at tuluyang pagsusuka ay kabilang sa mga pinakamadalas na epekto na maaaring maranasan. Halos 80% ng mga pasyenteng may kanser ang nakararanas nito. Maaari itong magdulot ng dehydration at pagbagsak ng timbang kung hindi matugunan.
Ang mga sintomas na ito ay maaaring sanhi ng:
- mismong kanser,
- mga gamot para sa kanser, tulad ng chemotherapy at radiation therapy,
- iba pang mga gamot na maaaring ibinibigay sa mga pasyenteng may kanser, o kaya’y
- mga amoy ng pagkain, pabango at iba pang mga bagay
Paano nagdudulot ng pagduduwal at pagsusuka ang chemotherapy?
- Minsan, epekto ito ng gamot sa isang bahagi ng utak, ang “chemotherapy trigger zone”, na nagpapadala ng mga senyales na nakapagdudulot ng pagsusuka.
- Minsan din, direktang epekto naman ito ng chemotherapy sa lalamunan, tiyan, at bituka.
- Sa mga chemotherapy drugs, may mga gamot na mas nakapagpapasuka kumpara sa iba, at depende rin ito sa dose ng gamot.
Sinu-sino ang mas at risk na makaranas ng pagduduwal at pagsusuka?
- Mga babae
- Edad na mas mababa sa 50
- Nakaranas na ng pagsusuka sa dating mga chemotherapy sessions
- Pagkakaroon ng anxiety o labis na kaba
- Likas na mahiluhin habang nasa gumagalaw na sasakyan
- Nakaranas ng pagsusuka o morning sickness noong nagbubuntis
- Madalas na pag-inom ng alcoholic drinks
Para sa mga sumasailam sa chemotherapy, ano ang mga maaaring gawin para maiwasan o mabawasan ang pagduduwal at pagsusuka?
- Sa iyong pinakaunang chemotherapy session, siguraduhing kumain at uminom nang kaunti bago magsimula ang paggamot
- Kung madalas naduduwal o nasusuka sa oras ng chemotherapy, iwasan kumain ng 1-2 oras bago ang naka-iskedyul na paggamot
- Kung madalas naduduwal pagkatapos ng chemotherapy, iwasan kumain hanggang 3 oras pagkatapos ng paggamot
- Pagkatapos ng iyong chemotherapy session, siguraduhing uminom ng 8-10 baso ng tubig bawat araw para maiwasan ang dehydration. Unti-unti at dahan-dahan ang pag-inom para hindi mabigla ang tiyan.
- Inumin sa tamang oras ang gamot na panlaban sa pagsusuka na inireseta ng iyong oncologist. Halimbawa ng mga gamot na ito ay metoclopramide, ondansetron, apprepitant, dexamethasone, at omeprazole.
- Kumain nang madalas ngunit paunti-unti. (halimbawa, 5-6 na beses sa isang araw imbis na 3 beses na maramihang pagkain)
- Maaaring makatulong ang mga sumusunod: lemon, mints, berries, luya, mansanas, ubas, salabat, popsicles, at ice chips.
- Kumain ng mga tuyong pagkain tulad kanin, crackers, tinapay at biskwit.
- Siguraduhing sariwa ang hangin sa kwarto. Buksan ang bintana para maalis ang mga hindi kanais-nais na amoy.
Iwasan ang mga sumusunod:
- IWASAN ang mga pagkaing masyadong matamis, malansa, masebo, mataba, maalat, maanghang at may matapang na amoy.
- IWASAN ang mga lugar na may malakas na amoy ng pagkain, sigarilyo, sasakyan, at mga kemikal.
- IWASAN ang mahiga 30-60 minuto pagkatapos kumain
- IWASAN ang mga paboritong pagkain kapag ikaw ay nasusuka, dahil maaaring hindi mo na ito gugustuhin sa darating na panahon.
Kailan dapat agarang sumangguni sa doktor?
- Patuloy ang pagsusuka nang higit sa isang araw nag hindi nakakainom.
- Mayroong dugo sa isinusuka.
- May panghihina, pagkahilo o pagkawalan ng malay.
References:
CancerCareManitoba. “Nausea and vomiting”. ActionCancerManitoba. May 2010. www.cancercare.mb.ca Accessed: 15 Feb 2023
“Pagduduwal/Pagsusuka”. Virginia Oncology Associates. https://tl.virginiacancer.com/ Accessed: 15 Feb 2023.
“Nausea and vomiting related to cancer treatment”. National Cancer Institute. March 2020. https://www.cancer.gov/ Accessed: 15 Feb 2023.