by Noel Medina, MD
Isa sa mga madalas na komplikasyon ng chemotherapy at radiation therapy sa ulo at leeg ay ang pamamaga o pagsusugat sa bibig, dila, ngala-ngala o lalamunan. Ang tawag dito ay “mucositis” (MYOO-ko-sai-tis). Nangyayari ito dahil nadadamay ang mga selula ng bibig sa mga epekto ng chemotherapy at radiotherapy, at dahil matagal ang proseso ng paghilom dito. Kapag hindi naagapan, ang mucositis ay maaaring mauwi sa impeksyon, malnutrisyon, at pagkaantala ng gamutan para sa kanser.
Sino ang maaaring magkaroon ng mucositis?
Madalas itong nangyayari sa mga pasyenteng sumasailalim sa chemotherapy o radiotherapy sa ulo at leeg (20-40% ng mga pasyente). Kadalasan, nagsisimula ito limang araw pagkatapos ng chemotherapy, o dalawang linggo pagkatapos ng radiation therapy. Sa mga sumasailalim sa chemotherapy, ang pagkakaroon ng masaydong mababang bilang ng white blood cells o WBC sa dugo ay isa sa mga risk factor sa pagkakaroon ng mucositis.
Ano ang mga palatandaan ng pagkakaroon ng mucositis?
- Pamumula at pagsusugat sa bibig, dila, ngala-ngala o lalamunan
- Paghapdi ng bibig sa mga mainit, maalat, maanghang, o maasim na mga pagkain o inumin
- Pagdurugo tuwing magsisipilyo
- Hirap sa paglunok ng pagkain
- Makirot o mahirap ang paggamit ng nakasanayan nang pustiso
- Hirap sa pagbuka ng bibig o pananalita
Kailan dapat agarang kumunsulta sa doktor?
Agarang makipag-ugnayan sa iyong doktor o medical oncologist kung ikaw ay nakararanas ng alinman sa sumusunod:
- Lagnat na 37.8°C o higit pa
- Hirap sa pagkain o paglunok
- Pagkakaroon ng mga puting tuldok sa bibig o dila
- Patuloy na pagdurugo
- Pagbagsak ng timbang
Paano maiiwasan ang pagkakaroon ng mucositis?
- Gumamit ng soft bristle o extra soft bristle na toothbrush. Siguraduhing laging bago ang ginagamit na toothbrush.
- Gumamit ng toothpaste na walang halong peroxide, tartar control o fluoride.
- Piliin ang mga mouthwash na alcohol-free
- Magmumog tuwing pagkatapos kumain at bago matulog, gamit ang sumusunod:
- 1 basong maligamgam na tubig
- + ½ teaspoon (½ kutsarita) ng asin o baking soda
- Huwag manigarilyo.
- Huwag gumamit ng dental floss kung sumasailalim sa chemotherapy at mababa ang bilang ng dugo.
- Huwag gumamit ng dental floss kung sumasailalim sa radiation therapy sa ulo o leeg.
- Panatilihing basa ang bibig at mga labi (huwag itong hayaang matuyo).
- Magsipsip ng tubig o malilit na piraso ng yelo
- Gumamit ng lip balm
- Umiwas sa mga mainit, maalat, maanghang, maasim, malutong o matigas na pagkain.
Ano ang mga dapat gawin kapag may mucositis?
- Kumonsulta sa doktor – may mga lunas tulad ng gamot, mga pangmumog, at iba pa.
- Sundin ang mga payo ng dietitian tungkol sa mga tama at masustansyang pagkain.
- Siguraduhing malambot o mamasa-masa ang pagkain.
- Umiwas sa mga mainit, maalat, maanghang, maasim, malutong o matigas na pagkain.
- Kung maaari, iwasan ang paggamit ng pustiso.
- Kung kailangang gumamit ng pustiso, tanggalin ito tuwing pagkatapos kumain at magmumog.
Mahalagang makipag-ugnayan sa iyong doktor o medical oncologist kung ikaw ay nakararanas ng kahit alinman sa mga nabanggit na sintomas. Handa kaming tumulong sa iyo.
References:
Cancer Care Manitoba, 2010
StatPearls, 2022
Cancer.gov