by Christian Joseph Z. Tagal, MD
Ano ang radiation therapy o radiotherapy?
Ang radiation therapy o mas kilala bilang radiotherapy ay isa sa tatlong pangunahing pamamaraan ng gamutan ng kanser. Gumagamit ito ng radiation para patayin ang mga cancer cell. Ang dalawa pang pangunahing paraan ng gamutan ay ang operasyon at chemotherapy. Nakadepende sa klase, lokasyon at stage ng bukol kung ano ang nararapat na gamitin para sa bawat pasyente. Minsan isa lamang, minsan dalawa, pero minsan lahat ng tatlong pamamaraan ay kailangang gamitin para maibigay ang tamang gamutan.
Ang mga radiation oncologist ay ang mga doktor na nagpakadalubhasa sa paggamit ng radiation para puksain ang kanser.
Kailan ibinibigay ang radiotherapy?
Maaari itong ibigay bago operahan (neoadjuvant) o pagkatapos operahan (adjuvant). Maaari rin itong isagawa kung hindi ooperahan (definitive o palliative) o pwede ring may kasabay na chemotherapy (concurrent).
Kung ito ay ibibigay bago operahan, ito ay para mapaliit ang bukol para mas madali itong operahan at mabawasan ang mga posibleng komplikasyon. Kung ito naman ay ibibigay matapos operahan, ito ay para mapuksa ang kung ano pa mang posibleng mga cancer cell na natitira pa sa pinag-operahan para mapababa ang tsansa na may tumubo ulit na bukol sa lugar na iyon sa hinaharap.
May mga bukol din kung saan radiotherapy na pwedeng meron o walang kasabay na chemo ang pangunahing gamutan. Tuwing ibinibigay ang chemo kasabay ng radiation, ito ay para magtulungan ang dalawa at ang kanya-kanyang mga epekto ay mas mapalakas at mas mapabisa.
May mga pagkakataon din na ang ang kanser ay kalat na sa iba’t ibang bahagi ng katawan o di kaya naman ay nagdudulot ng mga malulubhang sintomas tulad ng pagsakit, pagdurugo o pagbabara sa daanan ng hangin o pagkain. Sa mga pagkakataong ito, ang radiation therapy ay maaaring ibigay para maibsan ang mga nasabing sintomas at maging mas komportable ang pasyente.
Paano ibinibigay ang radiotherapy?
Ang pagbibigay ng radiotherapy ay binubuo ng ilang mga hakbang:
- Initial check-up: Aalamin muna ng radiation oncologist kung kinakailangan nga ang radiotherapy para sa pasyente. Dito rin ipinapaliwanag ng doktor sa pasyente ang lahat ng bagay tungkol sa radiotherapy. Maaari ring magpagawa ang doktor ng mga karagdagan pang laboratoryo kung kinakailangan.
- CT simulation: Idadaan sa CT scan ang lugar na papatamaan ng radiation.
- Contouring at treatment planning: Magtutulungan ang radiation oncologist at medical physicist para makagawa ng isang computerized na plano para sa radiotherapy. Ito ay maaaring tumagal ng mga isa hanggang dalawang linggo.
- Daily treament: Kapag nagawa na ang treatment plan, magsisimula na ang gamutan. Ito ay maaaring tumagal ng ilang araw hanggang walong linggo depende sa kaso. Araw-araw itong isinasagawa mula Lunes hanggang Biyernes lamang at pahinga ng katawan ang Sabado at Linggo. Pero kahit matagal ang buong gamutan ng radiotherapy, ang kada treatment session ay tumatagal lamang ng 10 hanggang 20 minuto. Hihiga lamang ang pasyente sa isang makina [cobalt machine o linear accelerator (LINAC)] na tila ba para silang sumasailalim sa X-ray o CT scan. Inaabisuhang huwag gagalaw ang pasyente habang nakahiga sa makina para eksakto ang target ng radiation.
Dahil sa ikli ng kada session, hindi inirerekomenda na naka-admit ang pasyente sa ospital. Hinihikayat ang mga pasyente na mag-uwian para mabawasan ang oras na inilalagi sa ospital at hindi mahawa ng kung ano pa mang ibang mga sakit.
Ano ang mga maaaring side effect ng radiotherapy?
Tulad ng ibang uri ng mga gamutan para sa kanser, ang radiotherapy ay mayroon ding mga posibleng side effect. Pero tandaan na ito ay kadalasang limitado lamang sa kung anong bahagi ng katawan ang tinatamaan at nakadepende rin sa dami ng treatments session na kakailanganin.
- Balat: “Sunburn” o dermatitis sa tinatamaang balat (maaaring mamula, mangitim, matuyo, mangati o masugat) pero sa paglipas ng panahon ay naghihilom din ito
- Utak: Bahagyang pagkapagod o fatigue, pagsakit ng ulo, pagkahilo o paglagas ng buhok
- Mukha at leeg: Pansamantalang pagkakaroon ng mga singaw, pagbabago ng panlasa, panunuyo ng bibig at lalamunan, hirap sa paglunok o bahagyang panunuyo ng mga mata kung malapit dito ang tinatamaan
- Dibdib at kili-kili: Hindi komportableng paglunok o medyo pagkunat ng mga kalamnan sa kili-kili
- Tiyan o balakang: Pansamantalang paghilab ng tiyan, kabag, pagtatae, constipation o mahapding pag-ihi o pagdumi
- Mga buto: Pakiramdam ng pagkapagod o fatigue
Habang sumasailalim sa radiation therapy, maaari pa ring makihalubilo sa kahit sinong tao, bata man o matanda, babae man o lalaki, buntis man o hindi. Pagkalabas sa treatment room, wala nang nailalabas na radiation kaya hindi kakalat ang radiation na natanggap ng pasyente sa kanyang paligid.
Dahil sa mga inaasahang side effect, bukas ang inyong mga radiation oncologist sa anumang ikokonsulta ninyo para maiwasan o di kaya ay mabigyan kaagad ang pasyente ng gamot para sa mga ito. Iminumungkahi na kahit isang beses sa isang linggo ay magpakita ang pasyente sa kanyang doktor para mabantayan nang husto at mapayuhan kung kinakailangan.