by Lance Isidore G. Catedral, MD

Tuwa at kaba
Magkahalong tuwa at kaba. Ito marahil ang nararamdaman ng mga pasyenteng may kanser kapag nalalaman nilang sila pala ay nagdadalang-tao rin. Ayon sa mga pag-aaral, 1 sa bawat 1,000 na buntis ay nada-diagnose na may kanser (1). Kanser sa suso (breast cancer), balát (melanoma), at kuwelyo ng matris (cervical cancer) ang karaniwang natutuklasan sa kanila (2–4).
Sadyang mas komplikado kapag nagkakasabay ang kanser at pagbubuntis. Maaaring makaapekto sa paglaki ng sanggol sa sinapupunan ang mga gamutan at ilang diagnostic test para sa kanser. Kailangang balansehin ng pasyente, kasama ng kanyang medical team, ang kaligtasan ng sanggol at ang panganib ng paglala at pagkalat ng kanser. Kadalasang nakaka-stress ang mga sitwasyong gaya nito, kaya mas mabuting mapag-usapan ito sa klinik sa bawat konsultasyon.
Maaari nga bang magbuntis ang isang pasyenteng may kanser? Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang fertility o kakayahang magkaanak at pagbubuntis ng mga kababaihang may kanser.
Pagbubuntis habang nagpapagamot para sa kanser
Mga diagnostic test para sa kanser
Malaking hamon para sa mga doktor na ma-detect ang kanser sa mga nagbubuntis (5). Ang karaniwang nararamdaman ng isang nagdadalang-tao tulad ng paglaki ng suso o palaging busog na pakiramdam ay maaaring maging mga maagang sintomas na pala ng kanser.
Nararapat sabihin ng pasyente sa kanyang doktor kung siya ay nagbubuntis o hinihinalang buntis. Dapat ipaalam ng pasyente sa kanyang medical team kung may iregularidad sa kanyang regla. Para makumpirma, maaaring magsagawa ng pregnancy test.
Aling mga diagnostic test nga ba ang ligtas para sa mga nagbubuntis? Ayon sa mga pag-aaral, ang chest X-ray ay itinuturing na ligtas para sa sanggol sa sinapupunan (8). Mapapansing gumagamit ng abdominal shield sa loob ng X-ray room para sa karagdagang proteksyon ng lumalaking fetus. Ang CT scan, na kadalasang ginagamit para sa pagtukoy ng stage ng kanser, ay mas mahusay kaysa sa X-ray. Pero dahil mas mataas ang radiation na ginagamit, iniiwasan muna ang pagsasagawa ng CT scan ng tiyan at balakang dahil posibleng ma-expose sa radiation ang fetus. Kailangang balansehin ang mga panganib at mga benepisyo ng bawat hakbang na gagawin at ang mga ito ay pinag-uusapan sa mga follow-up visit ng pasyente. Kadalasang ligtas naman ang ultrasound, MRI at biopsy para sa mga buntis.
Mga gamutan para sa kanser
Isang multidisciplinary team ang nag-aalaga sa pasyenteng may kanser na nagbubuntis. Kasama sa medical team ang mga espesyalista sa kanser (medical oncologist, radiation oncologist, surgical oncologist) at obstetrician-gynecologist (OB-GYN, fertility specialist). Nag-uusap-usap sila para mapagplanuhan ang pinakamabisa at pinakaligtas na gamutan para sa pasyente at sa kanyang sanggol. Tinitimbang nila ang maraming bagay tulad ng kung ilang buwan na ang fetus at ano ang stage ng kanser. Dapat itong pag-usapan sa mga follow-up consultation.
Kadalasan, hindi sinisimulan ang mga cancer treatment tulad ng chemotherapy at radiation sa first trimester o unang tatlong buwan ng pagbubuntis (5). Sa panahong ito, nabubuo pa lamang ang mga organ ng sanggol sa loob ng sinapupunan at may panganib na magkaroon ng mga birth defect o problema sa paglaki ng fetus kapag itinuloy ang gamutan, o kaya naman ay baka makunan ang pasyente.
Kadalasang ipinagpapaliban din ang radiation therapy hanggang sa katapusan ng pagbubuntis dahil sa panganib ng radiation exposure sa fetus. Nakadepende ang desisyong ito sa parte ng katawan na kailangang bigyan ng radiation. Importanteng makipag-usap sa radiation oncologist tungkol sa mga benepisyo ng radiation therapy at kung ligtas ito para sa uri ng kanser na mayroon ang pasyente.
Ang chemotherapy naman ay ipinagpapaliban din sa first trimester. Pero kung ito ay talagang kinakailangan na, maaari nang umpisahan ang chemotherapy sa ikalawa o ikatlong trimester kung kailan mas developed na ang fetus. Pinipili ang mga gamot na hindi nakakatawid sa placenta at mabusisi ang isinasagawang monitoring sa kalagayan ng sanggol sa sinapupunan. Ayon sa panganib ng pagkalat ng kanser at sa estado ng bata sa sinapupunan, maaari ring ipagpaliban ang pagbibigay ng chemotherapy pagkatapos ng panganganak kung ito ay makapaghihintay pa. Importanteng mapag-usapan ito nang masinsinan ng buong medical team sa klinik, kasama ang pasyente at ang kanyang partner.
Pagbubuntis pagkatapos ng gamutan para sa kanser
Sa pangkalahatan, ligtas ang pagbubuntis pagkatapos ng cancer treatment. Pero dahil na rin siguro sa mga epekto ng gamutan sa katawan, mas mababa ng halos 40% ang pregnancy rate ng mga cancer survivor kumpara sa mga kababaihang walang kanser (6).
Gaano katagal ang hihintayin bago magbuntis? May mga ilang eksperto na nagsasabing huwag munang magbuntis sa unang 6 na buwan pagkatapos ng chemotherapy (7). Ayon naman sa mga ibang eksperto, maghintay muna ng 2 hanggang 5 taon bago magkaanak (1). Ang timing ng ligtas na pagbubuntis ay nakadepende rin sa edad ng pasyente, panganib ng recurrence o pagbalik ng kanser, at sa panahon kung kailangan nakumpleto ang chemotherapy. Importanteng mapag-usapan ito kapag nagpapakonsulta.
Sa ilang uri ng kanser, may mga maintenance medication na dapat itigil kung may planong magbuntis. Isang halimbawa nito ang tamoxifen na ibinibigay para sa mga pasyenteng may hormone receptor-positive breast cancer. Sa mga pasyenteng ito, dapat mapag-usapan na ang kagustuhang magbuntis ay nangangahulugang kailangang itigil pansamantala ang mga maintenance medication at maaaring tumaas ang tsansa na bumalik ang kanser.
May mga pagkakataon din kung saan nakapagdudulot ng infertility o pagkabaog ang gamutan para sa kanser. May mga fertility specialist sa bansa na maaaring makatulong sa mga pasyenteng nais magbuntis, lalo na sa mga nakababatang pasyente na wala pang anak o gusto pang magkaanak. May mga gamot o procedure na maaaring gawin para mapataas ang tsansa ng pagbubuntis pagkatapos ng cancer treatment.
Patungo sa ligtas na pagbubuntis at panganganak
Komplikado at stressful kapag nagkakasabay ang pagkakaroon ng kanser at pagbubuntis. Kasama ng mga doktor, importanteng balansehin ng pasyente ang kaligtasan ng kanyang anak sa sinapupunan at ang panganib ng paglala o pagkalat ng kanser kung hindi masimulan agad ang cancer treatment. Mas mabuting mapag-usapan ito sa klinik sa bawat konsultasyon. Mas makabubuti rin na ipaalam sa iyong doktor kung nais pang magkaanak para maplano ito bago magsimula ang gamutan para sa kanser. Maaaring makatulong ang mga fertility specialist para mapataas ang tsansa ng ligtas na pagbubuntis at panganganak.
Acknowledgments:
With contributions and technical inputs from Antonio Carlo D. De Guzman, MD (Radiation Oncology) and Glaiza S. De Guzman, MD (Reproductive Endocrinology and Infertility)
References:
- Peccatori FA, Azim HA, Orecchia R, Hoekstra HJ, Pavlidis N, Kesic V, Pentheroudakis G. Cancer, pregnancy and fertility: ESMO Clinical Practice Guidelines for diagnosis, treatment and follow-up. Annals of Oncology. 2013 Oct 1;24:vi160-70.
- Pentheroudakis G, Pavlidis N. Cancer and pregnancy: poena magna, not anymore. European Journal of Cancer. 2006 Jan 1;42(2):126-40.
- Stensheim H, Møller B, Van Dijk T, Fosså SD. Cause-specific survival for women diagnosed with cancer during pregnancy or lactation: a registry-based cohort study. Journal of Clinical Oncology. 2009 Jan 1;27(1):45-51.
- Mieog JS, Van der Hage JA, Van De Velde CJ. Neoadjuvant chemotherapy for operable breast cancer. British Journal of Surgery. 2007 Oct 1;94(10):1189-200.
- Cancer.Net. Cancer during Pregnancy [Internet]. Cancer.Net. 2020 [cited 2021 May 31]. Available from: https://www.cancer.net/navigating-cancer-care/dating-sex-and-reproduction/cancer-during-pregnancy.
- Stensheim H, Cvancarova M, Møller B, Fosså SD. Pregnancy after adolescent and adult cancer: A population‐based matched cohort study. International journal of cancer. 2011 Sep 1;129(5):1225-36.
- Cancer.Net. Having a Baby After Cancer: Pregnancy [Internet]. Cancer.Net. 2019 [cited 2021 May 31]. Available from: https://www.cancer.net/survivorship/life-after-cancer/having-baby-after-cancer-pregnancy.
- International Atomic Energy Agency. Radiation protection of pregnant women in radiology [Internet]. 2021 [cited 2021 May 31]. Available from: https://www.iaea.org/resources/rpop/health-professionals/radiology/pregnant-women#5.