Mary Antonette G. Ong, MD

Kadalasan nating maririnig ang salitang “biopsy” kapag nakitaan ng hindi magandang bukol sa katawan ang isang pasyente. Paano nga ba ginagawa ang biopsy? Ang ilan sa mga paraan para makakuha ng biopsy specimen sa mga solid tumor ay:
- Ultrasound o CT-guided biopsy: Ginagamitan ito ng espesyal na karayom para tusukin ang bukol habang tumitingin ang doktor sa ultrasound o CT scan bilang gabay sa pagkuha ng specimen.
- Excision/incision biopsy: Maaaring alisin ang buong bukol kung maliit lang ito (excision) o hiwaan ito ng maliit na specimen kung malaki ang bukol (incision).
Marami ang natatakot magpa-biopsy dahil sa mga naririnig na haka-haka tungkol dito. Isa ito sa mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng delay sa pagpapagamot ng pasyente. Ang ilan sa mga maling paniniwalang ito ay:
- Myth: Nagdudulot ng pagkalat ng kanser ang biopsy.
- Fact: Mayroong tinatawag na needle track seeding na sinasabing maaaring maging sanhi ng pagkalat ng kanser pagkatapos ng biopsy. Pero ayon sa mga pag-aaral na ginawa, 1% lamang ang tsansa na mangyari ito – napakaliit lamang. Alam natin na di hamak na mas matimbang pa rin ang mga benepisyo kaysa sa panganib ng pagpapa-biopsy. Mahalaga ang biopsy para makumpirma kung ang bukol ay malignant at kung anong klaseng kanser ito. Magagamot lang ng tama ang kanser kapag tama ang diagnosis. Ang resulta ng biopsy ay magsisilbing gabay sa pagpili ng mga naaangkop na uri ng gamutan para sa bawat pasyente. Importante rin ang biopsy para malaman kung ang isang pasyente ay maaaring mag-respond sa mga makabagong targeted treatment.
- Myth: Nagiging mas mabagsik o mas agresibo ang kanser kapag natusok ito ng biopsy needle.
- Fact: Mas nagiging agresibo ang kanser kapag ito ay hindi na-diagnose at hinayaan itong lumaki at kumalat nang hindi ginagamot.
- Myth: Nakamamatay ang biopsy.
- Fact: Nakamamatay ang kanser, hindi ang biopsy. Huwag ipagpaliban ang biopsy at pagpapagamot.
Dahil sa mga bagong teknolohiya ngayon, mas ligtas at mas madali na ang paggawa ng biopsy. Ginagamitan ng anesthesia ang bawat biopsy procedure at madalas ay nagagawa ito bilang outpatient. Ang biopsy ay nakapagbibigay ng linaw at direksyon sa paggamot ng bawat pasyente.
Kung ikaw ay may bukol, kumonsulta sa doktor para malaman ang uri ng biopsy na angkop para sa iyo. Huwag matakot. Tandaang mas magagamot ka kapag nalaman kung ano ang sakit mo. Bawat araw ay mahalaga sa isang pasyenteng may kanser.
References: