by Rich Ericson C. King, MD
Kung ikaw ay nagbabalak na gumamit ng herbal medicine o mga dietary supplement para sa iyong kanser, mabuting mapag-aralan muna ito nang mabuti bago magdesisyon. Tatalakayin natin ang mga ilang bagay na dapat ninyong malaman bago magpasyang gumamit ng mga herbal/dietary supplement.
Mag-ingat sa mga advertisement ng mga food supplement
Mapapansing halos lahat ng mga naririnig at nababasa natin tungkol sa mga herbal supplement ay galing sa mga kwento o sabi-sabi lamang mula sa iilang tao (anecdotal evidence). Maging mapanuri sa mga ganitong testimonya, lalo na kung “too good to be true” ang pagsasalarawan sa bisa nito, tulad na lamang ng mga food supplement na di umano ay nakakagamot daw ng samu’t saring sakit. Ang tanging layunin ng mga
advertisement na ito ay mabenta ang kanilang mga produkto. Laging tatandaan na ang mga herbal/dietary supplement ay hindi dapat ituring na gamot laban sa kanser dahil walang sapat na scientific evidence na sumusuporta sa paggamit ng mga ito. Kaya mapapansin na laging may nakakabit na FDA advisory sa mga produktong ito: “Mahalagang paalala: Ang _____ ay hindi gamot at hindi dapat gamiting panggamot sa anumang uri ng sakit” o “No approved therapeutic claims”.
Mga posibleng side effect at iba pang panganib ng mga herbal/dietary supplement
Tulad ng mga ibang gamot, may mga posibleng side effect din ang mga herbal/dietary supplement. Madalas ay hindi pa sapat ang mga pag-aaral na ginawa sa mga produktong ito para mapatunayang sila ay mabisa at ligtas sa mga pasyenteng may kanser. Dagdag pa rito, madalas mangyari na ang paggamit ng mga food supplement ay walang gabay mula sa isang health professional. Marami ring maling kaalaman ang kumakalat tungkol sa mga produktong ito at mahirap makahanap ng mapagkakatiwalaang impormasyon tungkol dito.
Para sa mga pasyenteng nagpapagamot para sa kanser, may posibilidad na magdulot ng mga problema ang maling paggamit ng mga herbal/dietary supplement. Maaari itong magkaroon ng negatibong interaksyon sa chemotherapy at radiotherapy. Halimbawa, ang mga antioxidant supplement ay posibleng makabawas sa bisa ng mga gamot at radiation. Sa madaling salita, hindi laging totoo na “anything natural is safe”.
Para sa maraming eksperto, mas mabuting iwasan muna ang paggamit ng mga herbal/dietary supplement lalo na habang sumasailalim pa sa cancer treatment. Gayunpaman, kung ikaw ay magpapasyang gumamit pa rin ng mga ito, ipinapayong ipagbigay-alam ito sa iyong doktor para magabayan ka at mabantayan ang iyong kaligtasan.
Sumangguni sa iyong doktor
Anuman ang iyong gamutang tinatanggap para sa kanser, mabuting kausapin muna ang iyong doktor tungkol sa herbal/dietary supplement na gusto mong subukan. Sumangguni sa iyong doktor bago ka pa bumili o uminom ng kahit anong bagong produkto. Kung nasimulan mo nang gumamit ng mga food supplement at gusto mo pa rin itong ipagpatuloy, pinakamabuti pa ring ipagbigay-alam ito sa iyong doktor para ikaw ay masubaybayan. Mahalagang humingi ng payo sa iyong doktor kung ito ba ay ligtas gamitin at kung maaari ba itong pagsabayin sa iyong gamutan para sa kanser tulad ng chemotherapy at radiation therapy. Kung sasailalim sa isang operasyon, ipaalam sa iyong doktor kung ikaw ay may iniinom na mga herbal/dietary supplement dahil may mga produktong maaaring magdulot ng problema sa operasyon tulad ng matinding pagdurugo kapag hindi naitigil ang pag-inom nito.
Iba pang safety tips
- Huwag umasa sa mga food supplement bilang tanging gamot para sa kanser o iba pang malubhang sakit.
- Huwag gamitin ang mga herbal/dietary supplement bilang kapalit ng mga gamot na inireseta ng iyong doktor.
- Iwasan ang mga “miracle cure” o mga produktong nangangakong magpagaling ng iba’t ibang uri ng kanser at kung anu-ano pang mga karamdaman, pati na rin ang mga produktong nagsasabing “no side effects” o kaya naman ay gumagamit ng mga “secret ingredient”.
- Kung ikaw ay buntis o nagpapasuso, umiwas sa mga food supplement na hindi pinahintulutan ng iyong doktor. Huwag ding ibigay ang mga herbal/dietary supplement sa mga nakababatang edad na 18 taon pababa nang walang pahintulot ng doktor. Karamihan sa mga herbal/dietary supplement ay hindi pa napag-aralan sa mga populasyong ito.
- Mag-research muna bago bumili o gumamit ng mga herbal/dietary supplement. Huwag lang basta maniwala sa mga impormasyong galing sa kumpanya ng mga produktong ito. Humanap ng ibang impormasyon mula sa iyong doktor, mga scientific expert at mga ahensya ng gobyerno. Maaari ka nilang gabayan para makaiwas sa mga masasamang produkto.
References: