Authors: Joanmarie C. Balolong-Garcia, M.D. and Dean Marvin P. Pizarro
Ang atay ay isang importanteng lamang loob ng isang tao. Ito ay nasa kanang itaas na bahagi ng tiyan ng isang tao na binubuo ng dalawang parte o lobes at dinadaanan ng mga maliliit na ugat patungo sa apdo o gallbladder. Ang atay ay napakaraming gawain at pagtulong sa katawan: Ang atay ay sumasala ng mga kemikal at gamot sa dumadaloy sa dugo, tumutulong sa pagtunaw ng taba gamit ang papait o bile, gumagawa ng mga protina na kailangan ng katawan, at nag-iimbak ng nutrisyon at asukal na maaaring gamit ng katawan sa panahong kulang ang nutrisyon ng tao.
Ano ang Kanser sa Atay o Hepatocellular Carcinoma o Liver cancer?
Ang kanser sa atay ay kadalasang nakikita bilang isang bukol o mga lupon ng bukol sa mismong atay. Dahil maraming dumadaloy na dugo sa atay, maaaring kumalat ang kanser sa ibang parte ng katawan (metastasis).
Ang kanser sa atay ay tinatawag din na hepatocellular carcinoma o liver cancer. Ito ay pang-apat sa pinakalaganap na kanser sa Pilipinas (Globocan 2020) at kumakatawan sa 6.9% ng mga nakikitang kanser sa ating bansa.
Bakit nagkakaroon ng kanser sa atay?
Maraming pwedeng magdulot ng kanser sa atay ng isang tao. May mga dahilan o risk factors ang isang tao na nagdadagdag ng tiyansa na magkaroon sya ng kanser sa atay.
- Cirrhosis o pagpepeklat at permanenting pagkasira ng atay
- Chronic Liver Diseases o mga pangmatagalang sakit sa atay na mula sa kahit anong dahilan
- Hepatitis o impeksyon sa atay. Sa Pilipinas, ang pinakamadalas na sanhi ng kanser ay impeksyon dulot ng Hepatitis B. Sa buong mundo, 80% ng kanser sa atay ay dulot ng Chronic Hepatitis B infection. Ang viral infection na ito ay maaaring maipasa sa dugo, pakikipagtalik, panganganak (mother-to-child transmission), at iba pang fluid ng katawan. Ang hepatitis B ay maaaring makuha rin sa pamamagitan ng pagsasalo sa iisang hiringgilya, gaya ng mga nagdo-droga. Ang Hepatitis C ay isa rin na i
- Fatty liver o Non-Alcoholic fatty liver disease (NAFLD). Ito ay isang kondisyon kung saan nababalutan ng taba ang atay. Maari itong magdulot ng pamamaga ng atay (steatohepatitis) na kung hindi maaagapan ay maaaring maging pagpepeklat ng atay (cirrhosis) at tuluyang pagkasira nito. Ang pagkakaroon ng fatty liver o NAFLD ay karaniwang konektado sa iba’t-ibang uri ng sakit sa metabolismo tulad ng obesity, diabetes, at metabolic syndrome.
- Aflatoxin B1 ay isang fungus na nagdudulot ng kanser sa atay. Ito ay pangkaraniwang nakikita sa mga naitambak na mais o mani sa mga maiinit at maalinsangang lugar.
- Ang sobrang at malakas na pag-inom ng alak ay nagdudulot ng pagkasira ang atay at problema sa metabolismo at nagiging sanhi ng pagkakaroon ng kanser sa atay.
- Ang hepatocelluar cancer ay maaaring maidulot ng mga hindi pangkaraniwang genetic defects na nagbibigay ng maling metabolismo ng katawan, kasama na ang atay.
Anu-ano ang mga sintomas ng liver cancer?
Sa maaging estado ng kanser (early stage), maaaring walang sintomas na maramdaman ang pasyente. Habang lumalala o tumataas ang estado o kung kumalat na ang kanser sa iba’t ibang parte ng katawan, maaaring makita ang mga sintomas na ito: pagsakit ng tiyan lalo na sa kanang itaas na bahagi, pamamayat, pagkawala ng gana kumain, panghihina, paninilaw at pangangati ng balat.
Paano nakukumpirma na ang sakit sa atay ay liver cancer?
Dahil sa maagang estado ng kanser ay walang sintomas, karaniwang nakikita sa radiologic imaging tulad ng ultrasound o CT scan kapag nagpakonsulta ang isang pasyente sa ibang dahilan (incidental finding). Ang iba naman na may advanced o kalat ang kanser sa atay ay nagkukonsulta dahil sa sintomas. Sa parehong sitwasyon, kinukumpirma ang liver cancer gamit ang ebalwasyon sa dugo (metabolic panel, liver function test, hepatitis panel, Alpha Feto Protein or AFP), at radiologic imaging tulad ng CT scan (Dynamic Liver CT scan, Multiphasic CT, Magnetic Resonance Imaging or MRI, Magnetic Resonance CholangioPancreatography or MRCP). Ang hepatocellular cancer ay isang klase ng kanser na maaaring hindi mangailangan ng biopsy or pagkumpirma ng kanser gamit ang pagsusuri ng laman nito. Ngunit kung hindi kumbinsado ang espesyalista sa kanser sa mga resulta ng ebalwasyon, maaaring magrekomenda siya ng biopsy.
Ano ang gamutan ng liver cancer?
Ang pinakaimportante ay ang pagkakaroon ng maigi at maagap na pag-uusap ng mga doktor ng isang pasyenteng may kanser sa atay (multidisciplinary team approach) upang mapagusapan ang mga plano ng gamutan kasama na ang pagtalakay sa mga suporta na kakailanganin ng pasyente. Nagtitipon ang mga espesyalista tulad ng medical oncologist, hepatobiliary surgeon, gastroenterologist, interventional radiologist, pathologist, at iba pa, upang magkaroon ng pagdedesisyon tungkol sa gamutan ng pasyente.
Ang gamutan ng liver cancer ay magdedepende sa estado o stage ng kanser ng isang pasyente. Ang mga gamutan ay maaaring mangailangan ng operasyon, chemoembolization, ablation, or radiation, at systemic therapy tulad ng tyrosine kinase inhibitors, targeted therapy (anti-VEGF therapy), at immunotherapy.
Paano maiiwasan ang pagkakaroon ng liver cancer?
Tandaan ang mga dahilan o risk factors na nagdudulot ng kanser sa atay dahil yun din ang mga dapat na iwasan.
- Iwasan ang pag-inom ng labis na alak
- Magpabakuna laban sa hepatitis at pag-iwas sa pagsasalin ng Hepatitis virus (pagtatalik, paggamit ng karayom na nagamit ng isang may Hepatitis B or C)
- Iwasan ang pagkain ng mga naimbak at hindi malinis na mani o mais (Aflatoxin B1)
- Iwasan ang pagkakaroon ng sakit sa atay o metabolismo (mataas na cholesterol) sa paraang pagkain ng mabuti at regular na pag-ehersisyo (NALFD, Cirrhosis)
Ang pagkonsulta sa espesyalista sa kanser ay isa sa pangunahing dapat gawin ng isang pasyenteng nakitaan ng bukol sa atay. Ang pakakaroon ng tamang impormasyon tungkol sa kanser sa atay ay magbibigay ng linaw sa inyong mga tanong at magpapawala ng inyong takot. Kaagapay ang mga espesyalista sa iba’t ibang larangan ng medisina, ang mga Medical Oncologists ay tutulong upang magbigay ng pag-asa at malaban ng tama ang kanser na ito.
References:
Globocan, 2020
National Comprehensive Cancer Network. Hepatobiliary Cancers (Version 4.2022). https://www.nccn.org/professionals/physician_gls/pdf/hepatobiliary.pdf. Accessed January 10, 2023.