by Lance Isidore G. Catedral, MD

Kung ikaw ay na-diagnose na may kanser, marami ka sigurong katanungan tungkol sa iyong karamdaman. Dagdag pa riyan ang kaba, lungkot at pag-aalala. Marami ka nang narinig tungkol sa mga operasyon, chemotherapy, radiotherapy at iba pang mga uri ng gamutan, pero hindi mo na alam kung lahat ng mga ito ay totoo. May mga nababása ka ring post sa Facebook, pero hindi ka sigurado kung fake news lang ba ang mga iyon.
Ang una mong dapat gawin ay magpa-appointment sa isang cancer specialist. Ilista ang iyong mga katanungan sa isang notebook o papel. Magpasama sa kapamilya o kaibigan para makapakinig din sila sa sasabihin ng doktor. Dalhin ang mga lab test na nagawa na, kasama na ang mga resulta ng X-ray, ultrasound, CT scan at iba pa. I-arrange na sila mula sa pinakabago hanggang sa pinakaluma. Lalong-lalo na, huwag kalimutan ang biopsy result.
Ilista rin ang mga gamot na iniinom mo, pati ang dose. Isama na rito ang mga maintenance na gamot pati mga herbal o food supplement, kung meron. Dalhin na rin ang mga reseta na ibinigay ng ibang doktor.
Kapag nasa loob na ng clinic, huwag mag-atubiling magtanong. Nais ng iyong cancer care team na maintindihan mo ang iyong karamdaman.
Itanong mo sa iyong doktor ang mga sumusunod:
- Anong klaseng kanser ang meron ako at anong stage?
- Ano ang mga treatment na kakailanganin ko at gaano katagal ang magiging gamutan?
- Ano ang tulong na maibibigay ng treatment para sa akin? May lunas ba pa ang sakit ko?
- Ano ang mga posibleng panganib o side effect ng mga gamutan?
- Magkano ang gagastusin para sa gamutan? Saaa maaaring humingi ng tulong pinansyal?
- Pwede ba akong maisama sa isang clinical trial?
- Maaapektuhan ba ng mga gamutan ang plano kong magbuntis?
- Maaari bang magtrabaho kahit nagpapagamot?
- Ano ang dapat kong gawin para mapaghandaan nang mabuti ang gamutan?
- May mga pagkain bang dapat iwasan?
Huwag mahiya sa iyong doktor. Walang maling tanong. Nariyan sila para tulungan ka.