by Joanmarie C. Balolong-Garcia, MD
Ano ang immunotherapy?
Ang immunotherapy ay isang makabagong paraan ng paggamot sa iba’t ibang uri ng kanser. Ang immune system ay natural na panlaban ng ating katawan sa mga sakit at ito ay may kakayahang kilalanin ang mga abnormal cell na bumubuo sa mga kanser kumpara sa mga normal cell.
Ang ilang protinang nakabalot sa mga cancer cell (tulad ng PD-L1 at B7) ay may kakayahang makipag-interaksyon sa mga protina ng mga immune cell (tulad ng PD-1 at CTLA-4). Ang mga nabanggit na cancer cell protein ay nagsisilbing “maskara” ng mga cancer cell para sila ay hindi makilala at hindi masugpo ng mga immune cell. Ang immunotherapy ay may kakayahang alisin ang “maskara” ng mga cancer cell sa pamamagitan ng pagkabit sa mga protina nito, kaya ang mga cancer cell ay maaari nang makilala at malabanan ng mga immune cell. Kumbaga, ang immunotherapy ay nagpapalakas sa natural na kakayahan ng immune system na malabanan ang kanser.

Ano ang benepisyo ng paggamit ng immunotherapy?
Ang immunotherapy ay ginagamit para lumiit o tuluyang mawala ang mga tumor dulot ng kanser. Dahil dito, ito rin ay maaaring makapagbigay ng ginhawa mula sa mga sintomas na dulot ng kanser. Pero sa ngayon, ito ay aprubado pa lamang para sa ilang uri ng kanser at mayroon ding mga special test na kailangan munang ipagawa para matukoy ang mga pasyente na pinakamakakakuha ng benepisyo mula sa immunotherapy.
Paano ibinibigay ang immunotherapy?
Ang immunotherapy ay kadalasang pinapadaan sa ugat (intravenous o IV) sa pamamagitan ng swero. Ito ay ibinibigay ayon sa nakatakdang schedule ng gamot. Ito ay maaaring gawin sa loob ng ospital habang naka-admit (inpatient) o sa ambulatory chemotherapy unit (outpatient).
Anu-ano ang mga side effect ng immunotherapy?
Dahil ito ay dumadaloy sa dugo, ang immunotherapy ay maaaring makaapekto sa iba’t ibang parte ng katawan. Ang isa sa mga pinakamadalas na naaapektuhan ay ang balat kung kaya maaaring magkaroon ng rashes o pangangati. Ang pakiramdam na parang may trangkaso at pagkahapo o pagkapagod (fatigue) ay karaniwan ding nararamdaman. Sa mga di pangkaraniwang pagkakataon, maaaring magkaroon ng pamamaga sa mga kasu-kasuan (arthritis), thyroid (thyroiditis), pituitary gland (hypophysitis), adrenal glands (adrenalitis), baga (pneumonitis), puso (carditis), utak (encephalitis), mata (uveitis) o bituka (gastritis). Gayunpaman, karamihan sa mga side effect ng immunotherapy ay pangmadalian lamang.
Para sa mga karagdagang detalye tungkol sa immunotherapy para sa kanser, huwag mag-atubiling kumonsulta sa isang medical oncologist para makatanggap ng payong medikal na pinakaangkop sa sitwasyon.
Reference: https://www.nccn.org/patients/guidelines/content/PDF/immunotherapy-se-ici-patient.pdf