by Edgar Christian S. Cuaresma, MD
Ang ating hormones ay mga natural na kemikal sa ating katawan na nagsisilbing mga “chemical messenger” mula sa ating endocrine glands tulad ng pituitary gland, thyroid gland, pancreas, adrenal glands, testes at ovaries. Pinapanatiling maayos ng ating hormones ang mga regular na prosesong nangyayari sa loob ng ating katawan tulad ng ating pag-iisip, food metabolism, sexual function at growth and development.
Pero minsan, ang ating hormones ay maaaring maging hamon sa paggamot ng ilang uri ng kanser tulad ng hormone receptor-positive breast cancer kung saan ang mga cancer cell ay maaaring tumugon sa mga hormonal signal. Kapag ang breast cancer ng pasyente ay nagtataglay ng estrogen receptor (ER) and/or progesterone receptor (PR), ito ay nangangahulugan na ang nasabing hormones ay nagsisilbing senyales para lalong magparami at maging mas aktibo ang mga cancer cell. Ang isa pang uri ng kanser na karaniwang ginagamitan ng hormonal therapy ay ang prostate cancer.
Ang layunin ng mga hormone-based cancer treatment ay kontrolin ang pagdami ng mga cancer cell sa pamamagitan ng pagpigil sa mga hormonal signal na nagpapaaktibo sa mga ito. Ang mga karaniwang paraan ng hormonal therapy ay maaaring temporary sa pamamagitan ng injection o pag-inom ng tableta o di kaya naman ay permanente sa pamamagitan ng surgery o radiation therapy ng mga organ na gumagawa ng hormones tulad ng ovaries at testicles.
Mga halimbawa ng hormonal therapy drugs
Kung ang isang pasyente ay may hormone receptor-positive (ER-positive and/or PR-positive) breast cancer, maaaring magbigay ang kanyang medical oncologist ng mga gamot na pumipigil sa pagkabit ng estrogen at progesterone sa mga receptor na ito sa mga cancer cell. Ito ay maaaring ibigay bilang tableta (tulad ng tamoxifen) na karaniwang ibinibigay sa mga premenopausal patient o mga aromatase inhibitor (tulad ng anastrozole, letrozole at exemestane) na karaniwang ibinibigay naman sa mga pasyenteng nag-menopause na. May mga hormonal therapy din sa breast cancer na ibinibigay sa pamamagitan ng injection (tulad ng fulvestrant at goserelin).
Kung ang pasyente naman ay may prostate cancer, ang kanyang medical oncologist ay maaaring magbigay ng androgen deprivation therapy (ADT) sa pamamagitan ng mga luteinizing hormone-releasing hormone (LHRH) agonist o antagonist. Ang mga gamot na ito ay ibinibigay para hindi na makagawa ang katawan ng testosterone na nagsisibing hormonal signal para sa pagdami ng mga cancer cell. Ang mga halimbawa nito ay leuprolide o leuprorelin, triptorelin at goserelin na ibinibigay bilang injection. Sa kabilang banda, ang mga anti-androgen (tulad ng bicalutamide, flutamide at enzalutamide) at androgen synthesis inhibitor (tulad ng abiraterone) ay ibinibigay naman bilang mga tableta.
Mga posibleng side effect ng hormonal therapy
May kanya-kanyang epekto ang paggamit ng hormonal therapy. Ang ilan sa mga karaniwang side effect nito ay pagkahapo, pananakit ng mga kalamnan at kasu-kasuan, pagtaas ng timbang, hot flashes, mas mababang sex drive at pagrupok ng mga buto (osteopenia o osteoporosis). Dahil sa huli, karaniwang nagdadagdag ng bone-targeted therapy (tulad ng zoledronic acid at denosumab) kasama ng calcium at vitamin D supplements para mapalakas ang mga buto at makaiwas sa mga fracture o bali.
Makipag-ugnayan sa mga espesyalista
Ang gamutan sa pamamagitan ng hormonal therapy ay pinakamahusay na matalakay sa pasyente ng isang espesyalista tulad ng medical oncologist para maipaliwanag at magabayan ang pasyente sa proseso ng pagpapagamot.
References: