by Herdee Gloriane C. Luna, MD
Ano ang chemotherapy?
Ang chemotherapy para sa kanser ay isang uri ng gamot na naglalayong makontrol ang mabilis na pagdami ng mga cancer cell sa katawan. Dahil ang mga cancer cell ay kadalasang mas mabilis magparami kumpara sa mga normal cell, ang mga epekto ng chemotherapy ay nakatutok sa mga cancer cell.
Anu-ano ang mga benepisyo ng chemotherapy?
Ang chemotherapy ay ginagamit para makontrol at mapatay ang mga cancer cell. May mga iba’t ibang sitwasyon kung saan ang chemotherapy ay ginagamit sa mga pasyenteng may kanser, tulad ng mga sumusunod:
- Pangunahing gamot laban sa kanser (tulad ng lymphoma at leukemia)
- Adjuvant therapy: Pagpatay sa mga microscopic cancer cell na maaaring naiwang nagtatago sa dugo o ibang bahagi ng katawan pagkatapos ng ibang uri ng gamutan tulad ng operasyon o radiotherapy
- Neoadjuvant/induction therapy: Pagpapaliit ng bukol bago maisagawa ang ibang uri ng gamutan tulad ng operasyon o radiotherapy
- Paggamot sa kanser na bumalik (recurrent cancer)
- Pagkontrol sa mga cancer cell na kumalat na sa ibang bahagi ng katawan (metastatic cancer)
- Palliative chemotherapy: Pagpapagaan sa mga sintomas ng advanced na kanser
- Paghahanda para sa bone marrow transplant o stem cell transplant
Paano pinipili ang uri ng chemotherapy na gagamitin sa bawat pasyente?
Maraming uri ng chemotherapy na maaaring magamit para gamutin ang kanser. Para sa mga solid tumor, ito ay pinaplano ng medical oncologist kasama ng pasyente at ito ay hindi pare-pareho para sa lahat. Maaaring makatanggap ng isahan o kombinasyong gamutan depende sa:
- Uri ng kanser
- Stage o laki, sakop at lokasyon ng tumor
- Edad at pangkalahatang kalusugan ng pasyente
- Pagkakaroon ng pasyente ng ibang medikal na kondisyon
- Pagtanggap ng dating gamutan para sa kanser
- Mga side effect ng gamot
- Layunin ng gamutan (curative vs. palliative)
- Personal preferences o mga kagustuhan ng pasyente
Gaano katagal ibinibigay ang chemotherapy?
Depende sa uri at stage ng kanser, ang chemotherapy ay maaaring ibigay sa isang tiyak na panahon o bilang ng mga cycle, o di kaya naman ay tuloy-tuloy ang pagbibigay ng chemotherapy habang ang pasyente ay nakakakuha ng benepisyo mula rito. Makipag-usap sa medical oncologist ng pasyente para sa karagdagang impormasyon tungkol dito.
Paano ibinibigay ang chemotherapy?
Ang chemotherapy ay maaaring ibigay sa iba’t ibang pamamaraan:
- Intravenous (IV) chemotherapy: Pinapadaan sa ugat sa pamamagitan ng swero
- Oral chemotherapy: Nasa anyong tableta, kapsula, o likido na maaaring inumin sa bahay
- Injected chemotherapy: Itinuturok sa ilalim ng balat o sa kalamnan
- Intraarterial chemotherapy: Pinapadaan sa artery o ugat na direktang patungo sa bukol
- Intraperitoneal chemotherapy: Pagbabad ng peritoneum o loob ng tiyan sa chemotherapy kasabay ng operasyon para sa ilang uri ng kanser tulad ng ovarian cancer
- Topical chemotherapy: Nasa anyong cream na maaaring ipahid sa balat
Anu-ano and mga posibleng side effect ng chemotherapy?
Ang chemotherapy ay maraming scientific evidence tungkol sa pagkontrol ng pagdami at pagkalat ng kanser, pero tulad ng karamihan sa mga ibang uri ng gamot, hindi maiiwasan na ito rin ay may mga kasamang side effect. Karamihan sa mga side effect na ito ay mild lamang at madaling magamot o kusang gumagaling. May mga ilang pagkakataon din na maaaring magkaroon ng matinding side effect ang chemotherapy, pero kadalasan ay maaari itong mabawasan o maiwasan.
Depende sa uri ng gamot, maaaring makaramdam ng kaunti o maraming side effect, o maaari ring walang side effect na maramdaman lalo na para sa mga mas bata at malakas pa ang katawan. Depende sa pangkalahatang kalusugan ng pasyente, ang mga pangkaraniwang side effect ng chemotherapy ay pagod (fatigue) o panghihina, kawalan ng ganang kumain, pagkakalbo, singaw sa bibig, pagkaduwal o pagsusuka, pagtatae o constipation, pagkirot sa iba’t ibang bahagi ng katawan, pamamanhid ng kamay at paa, problema sa pakikipagtalik o pagbubuntis, pagbabago sa pag-iisip at memorya, o pagbaba ng mga blood count. Tandaan lamang na ang mga ito ay hindi lahat mararamdaman ng pasyente at mahalagang makipag-ugnayan sa medical oncologist na nangangalaga sa pasyente para magabayan kung paano maiiwasan o malalampasan ang mga side effect na ito. Kaya huwag matakot sa chemotherapy!
References:
- https://www.cancer.net/navigating-cancer-care/how-cancer-treated/chemotherapy/side-effects-chemotherapy. Last accessed on April 27, 2021.
- https://www.cancer.net/navigating-cancer-care/how-cancer-treated/chemotherapy/understanding-chemotherapy. Last accessed on April 27, 2021.
- https://www.mayoclinic.org/tests-procedures/chemotherapy/about/pac-20385033. Last accessed on April 26, 2021.