by Cyrielle Marie N. Atutubo, MD

\
Ang isa sa mga pinakamahalagang paraan para maagapan ang sakit na kanser ay ang cancer screening. Ito ay ang pagsasailalim ng isang tao sa iba’t ibang mga pagsusuri para makita ang mga maagang pagbabago sa katawan bago pa man mabuo ang kanser.
Ang mga pangunahing layunin ng cancer screening ay ang pagpapababa ng bilang ng mga taong namamatay sa kanser at ang pagpapababa ng bilang ng mga taong nagkakaroon ng sakit na ito. Kapag nakita nang maaga ang mga palatandaan ng kanser, mas mataas ang tsansa na magamot ito bago pa man ito lumala at kumalat. Kapag naging positibo ang resulta ng isang cancer screening test, nangangahulugan ito na kailangan ng pasyente ng mga karagdagang pagsusuri para makumpirma kung mayroon talaga siyang kanser.
Anu-ano ang mga dapat mong itanong sa iyong doktor at healthcare team tungkol sa cancer screening?
- Anu-ano ang mga posibleng risk factor para sa kanser na mayroon ako?
- Ano ang aking cancer risk (average risk o high risk)?
- Anu-ano ang mga cancer screening test na inirerekomenda base sa aking edad at cancer risk?
- Tuwing kailan at gaano kadalas ako dapat sumailalim sa mga screening test na ito?
- Saan ako maaring magpagawa ng mga screening test?
- Magkano ang bawat screening test? May coverage ba ito ng PhilHealth o iba pang health insurance?
Anu-ano ang mga cancer screening test na nararapat para sa iyo?
Depende sa uri ng kanser at edad at cancer risk ng bawat indibidwal ang mga pagsusuri na kailangang gawin para makita ang kanser bago ito magpakita ng mga sintomas. Pero may mga ibang uri ng kanser na wala pa ring mga aprubadong screening test hanggang ngayon.
Cancer screening recommendations base sa edad para sa mga indibidwal na average risk*
(mula sa American Cancer Society)

*Kumonsulta sa iyong doktor para matukoy ang iyong cancer risk profile at mairekomenda sa iyo ang mga nararapat na uri ng cancer screening test.
**Ang cancer screening ay inirerekomendang ipagpatuloy hangga’t nananatiling malusog ang indibidwal at may life expectancy ng mga 10 taon pataas.
Tandaan na ang cancer screening ay inirerekomendang isagawa kahit wala pang mga sintomas dahil layunin nitong maagapan ang kanser. Huwag kabahan o matakot dahil mas mabuting malaman ang kasulukayang estado ng iyong kalusugan para mas maalagaan ka ng iyong doktor.
References: