by Jay-ar B. Palec, MD
Kahit tapos nang magpagamot para sa kanser, mahalaga ang patuloy na pag-follow-up ng isang cancer survivor sa kanyang cancer care team. Ito ay tinatawag na active surveillance kung saan patuloy na sinusubaybayan ang pasyente para makita at maagapan kung ang kanser ay babalik (recurrence) at para na rin mabantayan ang mga posibleng epekto ng mga nakaraang gamutan (o kasalukuyang gamutan para sa mga may maintenance treatment) at ang pangkalahatang kalusugan ng pasyente. Ang dalas ng pagbalik sa doktor at pagpapagawa ng mga lab test at kung gaano katagal susundin ang napag-usapang follow-up schedule ay nakadepende sa uri ng kanser na binabantayan.
Pagbuo ng follow-up care plan
Sa paggawa ng follow-up care plan, mahalagang magtulungan ang pasyente at mga doktor para matugunan ang mga personal na pangangailangan at kagustuhan ng bawat pasyente. Ang planong ito ay magsisilbing gabay para sa pagsubaybay sa kalusugan ng pasyente sa mga susunod na buwan at taon pagkatapos ng gamutan o habang naggagamot ng maintenance therapy. Bukod sa regular na physical examination, mayroon ding mga lab test na maaaring ipagawa para kumpletuhin ang masinsinang monitoring ng pasyente. Ang kooperasyon ng bawat pasyente sa kanyang follow-up care plan ay makakatulong para unti-unting maibalik ang kanilang kumpiyansa sa sarili at makabalik din sila sa dati nilang mga buhay. Mahalaga rin ito para mapangalagaan ang physical at emotional health ng bawat pasyente.
Pagsusuri kung bumalik ang kanser
Isa sa mga mahahalagang layunin ng active surveillance ay para malaman kung ang kanser ng pasyente ay bumalik. Ang kanser na bumalik o kumalat pagkatapos ng gamutan ay tinatawag na recurrent cancer. Ito ay nangyayari kapag may mga microscopic na cancer cell sa katawan na hindi nakikita sa mga karaniwang test na ipinapagawa para sa mga pasyenteng may kanser. Kapag dumami ang mga naiwang cancer cell na ito, saka nagkakaroon ng mga sintomas depende sa kung saang bahagi ng katawan bumalik o kumalat ang kanser.
Ang tsansa ng pagbalik ng kanser at ang lokasyon nito ay nakasalalay din sa uri at stage ng orihinal na kanser. Sa kasamaang palad, imposibleng mahulaan ng mga doktor kung sino sa mga pasyente ang makakaranas ng recurrent cancer at kung kailan ito mangyayari. Kaya mahalaga para sa lahat ng pasyente na mag-follow-up sa kanilang doktor na pamilyar sa kanilang medical history para makapabigay ng personalized advice tungkol sa mga paraan para mabawasan ang kanilang mga risk factor.
Sa mga follow-up visit, maaaring magtanong ang doktor tungkol sa pangkalahatang kalusugan ng pasyente at magsasagawa rin ng physical examination. Ang mga lab test kasama ng mga imaging test (tulad ng chest X-ray, ultrasound, CT scan o MRI) ay bahagi rin ng regular follow-up. Ang mga rekomendasyong ito ay nakasalalay sa uri at stage ng orihinal na kanser at mga uri ng gamutang naunang naibigay.
Pagbabantay sa mga pangmatagalan o delayed na side effect ng gamutan
Karamihan sa mga pasyente ay inaasahang makaranas ng mga side effect habang aktibong tumatanggap ng gamutan para sa kanser. Pero para sa ilang mga cancer survivor, ang mga side effect na ito ay nananatili (long-term side effects) o di kaya naman ay delayed nilang nararanasan (late side effects) ilang buwan o taon pagkatapos ng mga nasabing gamutan. Ang mga side effect na ito ay kailangang tugunan dahil nagdudulot din ang mga ito ng pisikal at emosyonal na suliranin sa mga pasyente.
Sa kabuuan, ang regular follow-up at active surveillance ay napakahalaga sa mga pasyenteng nakatapos nang tumanggap ng gamutan o may maintenance na gamutan para sa kanser. Maaari itong makatulong para makaiwas sa mga komplikasyon o sa pangangailangan ng mga major procedure. Higit sa lahat, malaki ang maitutulong nito para mapanatili ang maginhawang kalidad ng buhay ng mga pasyente.