by Edgar Christian S. Cuaresma, MD
Ang Multidisciplinary Team (MDT) approach ay isang pamamaraan ng pagsasama-sama ng mga iba’t ibang healthcare professional na pinangungunahan ng mga doktor para pag-aralan at maintindihan ang karamdaman ng pasyente at maalagaan ito. Ang grupo ng mga propesyonal na ito ay bubuo ng isang planong akma para sa pasyente na may layuning mapahaba at mapabuti ang kalidad ng buhay nito at maibsan ang mga sintomas ng kanser. Mahalaga ang kontribusyon ng bawat isa at may kanya-kanya silang tungkulin na dapat gampanan.
Sinu-sino ang mga miyembro ng MDT para sa mga solid tumor?
- Medical oncologist
Siya ay isang dalubhasa sa paggamot sa kanser sa pamamagitan ng systemic therapy tulad ng chemotherapy, hormonal therapy, targeted therapy at immunotherapy. Siya rin ang sumusubaybay sa gamutan ng pasyente at patuloy na susubaybay pakatapos ng gamutan.
- Radiation oncologist
Siya ay isang dalubhasa sa paggamit ng iba’t-ibang uri ng radiation therapy bilang local treatment sa kanser. Kung minsan, nagsasabay siya at ang medical oncologist sa pagplano ng gamutan ng pasyente (concurrent chemoradiation).
- Surgical oncologist o surgeon
Siya ay isang dalubhasa sa paggawa ng biopsy at pag-oopera Siya ang nagsasabi kung resectable o maaaring tanggalin sa pamamagitan ng operasyon ang isang bukol o kung kailangan ba itong paliitin muna bago operahan.
- Pathologist
Siya ay isang dalubhasa sa pagsuri ng biopsy o surgical specimen sa ilalim ng microscope para masabi kung ito ay malignant o cancerous at kung anong uri ng kanser ito.
- Radiologist
Siya ay isang dalubhasa sa pagbabasa at pagpapaliwanag ng X-ray, ultrasound, CT scan, MRI at PET scan findings. Mayroon ding tinatawag na interventional radiologist na pwedeng gumawa ng biopsy at iba pang mga espesyal na medical procedure tulad ng pagbibigay ng chemotherapy diretso sa mga ugat ng mismong organ na may kanser.
- Pain specialist
Siya ay isang dalubhasa sa pagbibigay ng sapat at mabisang gamot sa cancer pain. Maaaring gumamit siya ng mga gamot na iniinom, inilalagay sa swero, injection o kung minsan ay gamot na idinidikit sa balat.
- Psychiatrist
Siya ay isang dalubhasang nangangalaga sa mental health ng isang pasyenteng may kanser. May kanya-kanyang ring pinagdadaanan ang mga pasyenteng may kanser tulad ng depresyon at kawalan ng pag-asa at tiwala sa sarili na maaaring matulungan ng isang psychiatrist.
- Palliative care specialist
Ang palliative care ay isang uri ng pangangalaga na ibinibigay simula pa lang na malaman ng pasyente na siya ay may kanser. Ito ay isang uri ng pag-aaruga upang masiguradong komportable ang pasyente habang siya ay naggagamutan. Ang tungkulin ng isang dalubhasa sa palliative care ay nakatutok sa pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng isang pasyenteng may kanser habang sinisiguradong napapanatili ang functional status nito.
Sila ay ilan lamang sa mga healthcare professional na kabilang sa multidisciplinary team. Katuwang din nila ang nurse, nutritionist, social worker at maging ang hospital chaplain o religious figure. May mga iba pang doktor na maaaring kasama sa MDT depende sa diagnosis at mga pangangailangan ng bawat pasyenteng may kanser. Ang layunin ng MDT ay masigurong maalagaan at mapabuti ang kalagayan ng pasyente.