by Jay-ar B. Palec, MD

Bakit maaaring bumalik ang cancer?
Ang kanser ay maaaring bumalik (recurrence o relapse) dahil sa mga microscopic na cancer cell na maaaring nanatili sa katawan pagkatapos ng pagpapagamot. Sa paglipas ng panahon, ang mga natirang cancer cell na ito ay maaaring magpakarami at lumaki hanggang magkaroon muli ng mga sintomas. Kung kailan at saan babalik ang kanser ay nakadepende sa klase at mga likas na katangian ng kanser. Ito ay maaaring mangyari sa loob ng ilang linggo, buwan o kahit na taon pagkatapos ng naunang gamutan.
Ito ay maaring:
- Sa parehong bahagi ng katawan ng dating kanser (local recurrence)
- Malapit sa kinaroroonan ng dating kanser (regional recurrence)
- Sa iba pang mas malayong bahagi ng katawan (distant recurrence)
Anu-ano ang mga risk factor na maaaring makapagpataas sa posibilidad ng cancer recurrence?
- Pagkakaroon ng malaking bukol
- Pagkadamay ng mga kulani o lymph nodes
- Dikit o maliit na margin sa pag-opera ng tumor
- Hindi kumpletong gamutan, tulad ng hindi pagtanggap ng chemotherapy at radiotherapy sa kabila ng payo ng doktor
- Obesity o labis na timbang
Anu-ano ang mga posibleng sintomas ng cancer recurrence?
- Pagbalik ng mga sintomas ng kanser na dating naramdaman
- Panibagong bukol o pamamaga
- Bago o di-pangkaraniwang pananakit o pagkirot
- Pagbaba ng timbang
- Kawalan ng ganang kumain
- Pagduduwal o pagsusuka
- Pabalik-balik na lagnat
- Madalas na pagsakit ng ulo
- Hirap sa paglunok
- Ubo na hindi nawawala
- Pagkakapos sa paghinga
- Pagtatae o hirap sa pagdumi
- Pagkakaroon ng dugo sa dumi o ihi
Ano ang ginagawa kapag bumalik ang kanser pagkatapos ng unang gamutan?
Depende sa bawat sitwasyon, maaaring magrekomenda muli ng operasyon, radiation therapy at mga gamot na hindi pa nagamit dati. Sa mga pagkakataon na ang pagbibigay ng bagong gamot ay nakasalalay sa mga espesyal na katangian ng kanser, mahalagang maulit ang biopsy. Kapag bumalik ang kanser pagkatapos ng unang gamutan, maaari itong magdulot ng pagkabigla, kalungkutan, takot at galit sa isang pasyente. Mahalagang isipin na marami nang mahuhusay na gamot at pamamaraan sa paggamot ng kanser sa panahon ngayon na maaring makatulong sa mga pasyente para mapanatili ang kanilang quality of life at mapahaba ang kanilang buhay.